6/recent/ticker-posts

Lumalalang “Teacher Exodus”:Tumataas ang Bilang ng mga Guro na Umaalis ng Pilipinas:

Ang katotohang nangyayari sa kasalukuyan ng departamento ng edukasyon. Sa tahimik na pasilyo ng isang pampublikong mataas na paaralan sa hilagang bahagi ng Cebu, isang silid-aralan na may temang Hello Kitty ang ngayo'y walang laman. Hindi na muling ginamit ang pisara, at ang dating masiglang boses ni Teacher Ana—hindi niya tunay na pangalan—ay napalitan ng katahimikan.

Mga testamentong buhay na kung saan ang mag tinaguriang mga makabagong bayani ng bayan ay unti-unti ng nagsisilayasan sa bansa. Sinong may kasalanan? Sinong may pagkakamali? Anong mangyayari kung ang pag-aalis nila'y tuloy-tuloy at walang ginawa ang mga kinauukulan?

Mahigit siyam na taon nang nagturo si Ana ng agham sa isang pampublikong paaralan nang may buong sigasig. Ngunit noong katapusan ng taong 2023, nagbitiw siya sa serbisyo at bumili ng one-way ticket patungong Estados Unidos—ang kanyang pinapangarap na destinasyon.

Lumalalang “Teacher Exodus”

Hindi naiiba ang kwento ni Ana sa daan-daang iba pa. Siya ay isa sa mahigit 400 guro mula sa Central Visayas na umalis ng bansa sa mga nagdaang taon. Ayon sa Department of Education (DepEd), ito ay bahagi ng lumalaking “teacher exodus” o maramihang pag-alis ng mga guro upang magtrabaho sa ibang bansa.

Hindi lang ito tungkol sa pera. Kumbaga, mas magandang kalidad ng buhay talaga ang habol ko—greener pasture,” ani Ana sa isang video call mula sa Amerika.

Dati, kumikita siya ng halos P30,000 kada buwan sa Pilipinas—kulang na kulang sa pang-araw-araw na gastusin at suporta sa pamilya. Sa Estados Unidos, sampung beses ang laki ng kanyang kita, bukod pa sa mas maayos na kondisyon sa trabaho.

Ngayon, nakakapagturo na lang ako nang buo ang atensyon ko. Sa totoo lang, wala nang walang katapusang paperwork,” dagdag niya.

Hindi Mabubuo ang Puwesto sa Kabila ng Kakulangan

Ayon kay Dr. Salustiano Jimenez, Regional Director ng DepEd-Central Visayas, isa ang Cebu sa mga pangunahing target ng international recruiters.

Napakagagaling ng mga guro dito—hindi lang matalino kundi may disiplina at mabuting asal,” ani Jimenez.

Ngunit sa kabila ng tagumpay ng mga gurong gaya ni Ana sa abroad, kapalit nito ay ang lumalalang kakulangan ng mga guro sa Pilipinas—lalo na sa asignaturang Math, Agham, at Ingles. May mga ulat na ipinapasa ang mga asignatura sa mga gurong wala sa kanilang major—isang solusyong pansamantala ngunit may epekto sa kalidad ng edukasyon.

Ayon sa datos ng DepEd-7, ang kabuuang bilang ng mga bakanteng posisyon sa mga pampublikong paaralan ay bumaba mula 2,661 noong Agosto 2024 tungong 2,369 noong Setyembre 2024. Ngunit dahil sa sunod-sunod na pagbibitiw, pagreretiro, at pagkamatay ng ilang personnel, hindi pa rin nararating ang full staffing.

May mga gurong Filipino na nagtuturo ng Science kahit Filipino major sila. At minsan, Ingles ang tinuturo nila. Wala na kasi talagang choice,” ani Jimenez.

Mababagal na Proseso ng Paghahanap

Mula Agosto 2021 hanggang unang bahagi ng 2024, tinatayang 779 guro mula Central Visayas ang umalis upang magtrabaho sa ibang bansa. Isa pang hadlang ay ang mabagal na hiring process ng DepEd, kung saan umaabot ng hanggang dalawang buwan bago mapalitan ang isang guro.

“Hindi basta-basta ang proseso sa pagpasok sa DepEd. Kaya kahit may lisensyadong guro, hindi agad sila nakaka-deploy,” paliwanag ni Jimenez.

Kapag tinanong kung naapektuhan ang performance ng mga mag-aaral dahil sa mga gurong nagtuturo ng hindi nila major, tumugon si Jimenez ng may pag-amin: “Hindi natin masasabing iyon lang ang dahilan… pero malaki ang epekto.”

Pakikipagtulungan sa mga Unibersidad

Bilang tugon, nakikipagtulungan na ang DepEd-7 sa mga institusyong gaya ng Cebu Normal University (CNU) upang sanayin ang mga guro sa pagtuturo ng non-major subjects. Ngunit para kay Ana, hindi na siya naghintay. Maaga pa lang ng 2023 ay nag-apply na siya sa isang recruiter. Pagkaraan ng ilang buwang paghihintay at pagsusulit, nakalipad siya noong Agosto.

Ayon sa datos ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), humigit-kumulang 1,500 guro kada taon ang umaalis ng bansa. Noong 2017 pa lang, 1,328 guro na ang nagtungo abroad. Ang bilang ay pabago-bago depende sa pandaigdigang pangangailangan.

Bagaman sila ay siyam na porsyento lamang ng kabuuang bilang ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs), Filipino teachers ang ilan sa pinakamatataas ang demand sa mundo.

Hindi Na Ako Nakapag-Abroad, Pero Naiintindihan Ko Sila

Para kay Joan, isang beteranong guro ng pamblikong paaralan, 37 taon nang nagtuturo, ang trend na ito ay may halong inspirasyon at lungkot.

“Dati, sinasabi sa amin ng professor namin: Teachers are for national consumption,” ani Joan. Bagama’t minsang pinangarap din niyang makapagturo abroad, pinili niyang manatili dahil sa obligasyong alagaan ang kanyang ina.

Ako ang breadwinner. Wala akong pagkakataon na magsimula ulit sa ibang bansa,” paliwanag niya. Ngunit hindi siya nagtatanim ng galit sa mga umalis. “Patunay lang na nahanap nila ang mas magandang kinabukasan.

Hindi Lang Sweldo ang Problema

Para kay Ana, may halong guilt pa rin. “Alam ko, iniwan ko ang mga estudyante ko. Masaya naman sila kasama, pero kailangan ko ring isipin ang kinabukasan ko.

Hindi lang sweldo ang problema ng mga guro sa bansa. Ayon kina Ana at Joan, pati ang madalas na pagbabago ng kurikulum, sobrang daming report, weekend seminars, at non-teaching tasks ay nagpapabigat sa trabaho.

Sa kada administrasyon, iba-iba ang sistema. Challenge talaga kung paano kami makakasabay,” ani Joan.

Mga Panukala ng DepEd

Ayon kay Jimenez, pinagsisikapan na ng DepEd na mag-hire ng mas maraming non-teaching personnel upang mapagaan ang trabaho ng mga guro. Sa ulat ng Philstar, plano ng kagawaran na magbukas ng 16,000 bagong teaching positions sa ikatlong quarter ng 2025.

Ngunit sa isang banda, aminado si Jimenez na ang husay ng training sa DepEd mismo ang dahilan kaya desirable ang Filipino teachers sa abroad.

“Kaya nga sila kinukuha sa ibang bansa—dahil eksperto na sila sa kanilang larangan,” sabi niya.

Wala Nang Babalikan?

Sa Texas, si Ana—kilala na ngayon bilang “Ana” sa kanyang mga estudyante—ay kontento sa kanyang desisyon.

Namimiss ko pa rin ang mga estudyante ko. Pero ngayon, nakakapag-ipon ako, nakakaplano. Malaki ang naipapadala ko sa pamilya ko diyan sa Pilipinas,” ani Ana.

Sa pagtatapos, ang kwento ni Ana at daan-daang tulad niya ay sumasalamin sa mas malalim na isyu ng sistemang pang-edukasyon sa bansa. Habang patuloy ang pag-alis ng mga guro para sa mas magandang oportunidad sa labas ng bansa, nananatiling hamon sa DepEd at pamahalaan kung paano mapangangalagaan ang natitirang puwersa ng edukasyon sa Pilipinas—ang mga gurong pilit na nagpupunyagi sa gitna ng mga pagsubok.

Sa huli, ang tanong, sinong may kasalanan? Sinong may pagkakamali? Anong mangyayari kung ang pag-aalis nila'y tuloy-tuloy at walang ginawa ang mga kinauukulan?

Post a Comment

0 Comments